Caloocan News

Caloocan bans Chinese New Year activities
Ipinagbawal ni Caloocan City Mayor Oca Malapitan ang anumang uri ng mass gathering sa lungsod sa pagdiriwang ng Chinese New Year sa Pebrero 12 ,2021.
Sa inilabas na Executive Order 006-21, nakasaad na bawal ang mga street party, stage shows, parada, palaro, dragon dance at iba pang aktibidad na maaaring magdulot ng mass gathering.
Ayon kay Mayor Oca, pinirmahan niya ang kautusan bilang pagsunod ng lungsod sa umiiral na community quarantine protocols ng Inter-Agency Task Force upang mapigilan ang pagkalat ng Covid-19 virus.
Ipinag-utos din ng Punong-Lungsod na mahigpit na ipatupad ang umiiral na ordinansa sa paggamit ng mga ipinagbabawal na paputok at ang ordinansa sa pagbebenta at pag-inom ng alak.
Samantala, nakasaad din sa kautusan na sa mga pribadong pagtitipon ay hanggang 10 tao lamang ang papayagan at kinakailangan mahigpit na ipatupad ang pagsusuot ng face mask, face shield at social distancing.
Ang mga restaurant ay kinakailangan pa rin sundin ang 50% dine-in capacity at 30% capacity naman para sa simbahan at religious activities.
Inatasan ni Mayor Oca ang Caloocan Police, Department of Public Safety and Traffic Management at barangay officials upang masigurong maipatutupad ang kautusan.